Mga pamilyang nakatira sa loob ng 4km permanent danger zone ng bulkang Kanlaon, prayoridad sa relocation program ng gobyerno; Pagbaba sa alert level status ng bulkan, pagkakataon ng OCD para mas Lalo pang maghanda sa posibleng muling pag-aalburuto ng bulkan.
Ibinunyag ng Office of Civil Defense na hindi na papayagang makabalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nakatira sa loob ng 4km permanent danger zone ng bulkang Kanlaon sa isla ng Negros.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Office of Civil Defense – Negros Island Region Director Donato Sermeno III, sinabi niyang nagsimula nang umuwi noong Huwebes, Agosto 31, ang nasa 700 na pamilya sa Canlaon City.
Ngunit, tinatayang 45 pamilya o 163 indibidwal ang tiyak na maiiwan dahil hindi na sila pinayagang bumalik sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay Sermeno, ang mga pamilyang ito ang magiging prayoridad sa relocation program na inilunsad ng gobyerno upang matulungan ang mga apektadong mamamayan.
Sa kasalukuyan pa umano ay wala nang epekto ang “window period” dahil nakabalik na ang mga pamilya sa mga lugar na nasa loob ng extended danger zone (EDZ), ngunit ang mga residente mula sa 4km PDZ ay hindi na pinayagang bumalik.
Naglabas na rin ng resolusyon ang mga awtoridad na nagpapaalala sa mga local government units na ipatupad ang pagbabawal sa anumang aktibidad sa loob ng 4km PDZ, anuman ang alert level status upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Itinuturing namang positive development ang pagbaba sa alert level 2 status ng bulkang Kanlaon, hindi lang ng mga internally displaced persons kundi ng lokal na pamahalaan at ng ahensya.
Aniya, pagkakataon umano ito ng ahensya upang patuloy na paghandaan, bumuo ng recovery programs at mas mapaigting ang mga contingency plans sakaling mag-aalburuto muli ang bulkan.