-- Advertisements --

Patuloy umanong bumubuhos ang mga endorsement para sa speakership bid ni House majority leader at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.

Inindorso na rin siya ng Party-list Coalition Foundation, Inc. (PCFI) para sa pagiging speaker sa susunod na 19th Congress.

Ginawa ito ng mga miyembro ng PCFI sa isang pagtitipon ng grupo sa Makati City.

martin romualdez House partylist

Present sa event ng mga party-list solons ay ang protege ni Romualdez na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.

Si Rep. Marcos ay ang panganay na anak ng presumptive president na si Bongbong Marcos, na pinsan naman ng Leyte lawmaker.

Ayon sa mga mambabatas ng PCFI, si Romualdez, na siya ring Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) president, ang makakasagot umano para mapabalis pa ang pagpasa sa mga batas at patakaran na tutulong sa pagbangon ng ekonomiya.

Samantala, inihayag din ng mga miyembro ng PCFI na pinili rin nila si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co bilang susunod na pangulo ng grupo.

Si deputy speaker at 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero ang nanunungkulan na presidente ng PCFI.

Sinasabing ang PCFI ang siyang pinakamalaki at kabilang sa mas maimpluwensyang political bloc sa House of Representatives sa 18th Congress.

Samantala, nagbigay din ng kaniyang pahayag si Rep. Sandro Marcos kung saan kinilala nito si Romualdez bilang speaker ng House of Representatives.

Aniya, bilang neophyte sa Kongreso umaasa siyang marami pa siyang matutunan.

Hinikayat din nito ang lahat na tulungan at suportahan ang administrasyon ng kaniyang ama.