Hinamon ng chairman ng House Committee on Public Order and Safety ang gobyerno na ipakita ang seryosong paninindigan ng Pilipinas laban sa human trafficking kasunod ng hiling ng Estados Unidos na ma-extradite si Pastor Apollo Quiboloy.
Kasabay nito ay nanawagan si Manila Rep. Rolando Valeriano na pagpapalakas ng gobyerno ng mga hakbang upang mas maprotektahan ang mga mahihinang sektor laban sa sistematikong pang-aabuso.
Sinabi ni Valeriano na ang mga akusasyon laban kay Quiboloy—trafficking ng kababaihan at maging ng mga menor de edad sa pamamagitan ng panlilinlang, puwersa, at pamimilit—ay napakabigat kaya’t ang anumang pag-antala sa kanyang extradition sa US ay maituturong na pambabastos sa mga biktimang matagal nang naghihintay ng hustisya.
Ayon sa mambabatas dapat ipakita ng gobyerno sa buong mundo na hindi nito poprotektahan ang sinuman at hahayaan ito na mapanagot sa kanyang mga maling ginawa.
Nahaharap si Quiboloy sa indictment sa US para sa sex trafficking at nalagay sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation, habang sa bansa ang Pastor ay nakakulong kaugnay ng kasong qualified trafficking at child abuse na inihain laban sa kanya.
Para kay Valeriano, ipinapakita ng pagkakaroon ng mga kaso sa bansa at sa Estados Unidos ang lawak ng problema at iginiit na walang sinumang dapat mailigtas mula sa hustisya dahil lamang sa impluwensya o koneksyon nito sa pulitika.
Ipinaliwanag ni Valeriano na sa ilalim ng PH-US Extradition Treaty, posible ang provisional arrest at pansamantalang pagsuko kahit may mga nakabinbing kaso sa mga korte ng Pilipinas ang isang Pilipino.
Bilang chair ng House Committee on Public Order and Safety, sinabi ni Valeriano na tungkulin niyang tiyakin na hindi magiging safe haven ang Pilipinas para sa mga trafficker o pugante.
Nagbabala siya na ang network ng mga tagasunod at yaman ni Quiboloy ay maaaring magdulot ng panganib sa mga komunidad at sa mga tagapagpatupad ng batas kung patuloy na mag-aatubili ang mga awtoridad.
Nanawagan din siya sa Department of Justice at sa Department of Foreign Affairs na tapusin ang kalituhan sa extradition process at maglabas ng malinaw na timeline ng mga hakbang na nagawa at nakabinbin pa.