-- Advertisements --

Kumpleto na ang 12 senador na bubuo sa Commission on Appointments (CA).

Sa sesyon ng senado, nahalal ang tatlong senador mula sa minorya na magiging bahagi ng makapangyarihang CA — ito ay sina Senadora Loren Legarda, Senadora Risa Hontiveros, at Senador Juan Miguel Zubiri.

Matatandaang kahapon, nagkaroon ng mainit na palitan ng pahayag sina Senate Minority Leader Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Joel Villanueva kaugnay ng distribusyon ng mga uupo sa CA.

Una kasing iminungkahi ni Villanueva na 10 senador mula sa majority at dalawa lamang mula sa minority ang mapabilang sa CA.

Iginiit ni Sotto na dapat nakabatay sa naging desisyon ng Korte Suprema ang komposisyon ng naturang kapulungan, kaya’t dapat sundin ang party lines at representasyon.

Ayon naman kay Zubiri, hindi dapat ipagkait sa minorya ang pagkakaroon ng puwesto sa CA.

Sa huli, ipinaubaya ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang puwesto sa CA.

Samantala, ang mga naunang nahalal na kasapi ng CA ay sina:

  • Sen. Ronald “Bato” dela Rosa
  • Sen. JV Ejercito
  • Sen. Jinggoy Estrada
  • Sen. Bong Go
  • Sen. Rodante Marcoleta
  • Sen. Imee Marcos
  • Sen. Raffy Tulfo
  • Sen. Joel Villanueva
  • Sen. Mark Villar