TACLOBAN CITY – Patay ang isang empleyado ng Commission on Elections (Comelec) matapos pagbarilin ng riding in tandem suspeks sa Brgy. Tungon, MacArthur, Leyte.

Kinilala ang biktima na si Maureen Palejaro, 42, assistant election officer ng Comelec sa McArthur Leyte, at residente ng Brgy. San Pedro sa nasabing bayan.

Ayon kay Capt. Jennifer Medalla, hepe ng MacArthur Police Station, pauwi na sana sa boarding house at sakay ang biktima sa isang motorsiklo minamaneho ng kanyang katrabaho na si Roldan Evangelista nang dumating ang dalawang suspek at pinagbabaril ito.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito samantala nasa mabuting kondisyon naman ang kasama nitong si Evangelista.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan upang matukoy ang nasa likod ng nasabing pamamaril.