-- Advertisements --
francisco duque iii fr radyo pilipinas

Kailangan umano ang kooperasyon ngayon ng mga local government units (LGUs) para ma-monitor ang paggawa at pagbebenta ng lambanog na siyang naging sanhi sa pagkamatay ng 13 katao sa Rizal, Laguna.

Ayon kay Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque III, nasa LGUs daw ngayon ang bola para tingnan kung mayroon ang gumagawa ng lambanog sa kanilang lugar.

Sinabi ni Duque na ang Emma’s lambanog kasi na ininom ng mga namatay na biktima ay hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).

Dagdag ng kalihim, sa dinami-dami ng mga nagbebenta ng lambanog ay 14 lamang ang nasa listahan ng FDA na rehistrado para magbenta ng lambanog.

Samantala, sa mahigit 80 na na-confine sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, tatlo na lamang daw ang naiwan na kasalukuyang ginagamot at ang isa ay nasa intensive care unit (ICU).

Sa Rizal Medical Center (RMC) isa namang pasyente ang isinasailalim na sa dialysis.

Ayon kay Dr Vincent Moderes, Chairman ng Emergency Medicine ng RMC, ang pasyente ay nakakonsumo raw ng mataas na methanol toxicity dahil sa dami ng nakonsumong lambanog.

Maliban sa isang kritikal, pitong iba pang pasyente naman ang nagpapagaling at patuloy na inoobserbahan sa ospital habang ang iba pang pasyente ay pinauwi na matapos gumanda ang pakiramdam.

Sa Philippine General Hospital sa lungsod ng Maynila, nasa 55 na lamang ang mino-monitor ng mga doktor at 30 na ang napauwi.

Pero nasa 10 pa ang nasa red zone kritikal ang kondisyon.

Sa ngayon, nasa 43 pa ang nasa yellow zone o nangangailangan ng agarang atensiyong medical at dalawa namang ang nasa green zone o non urgent patients.

May isa rin umanong pasyente ang patuloy pang isinasailalim sa dialysis dahil sa asido sa kanyang dugo.