-- Advertisements --

Nananatiling sarado ang ilang kalsada sa walong rehiyon sa gitna ng pananalasa ng mga kalamidad sa bansa.

Sa situational report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaninang umaga nitong Biyernes, 11 kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon at CALABARZON ang sarado sa trapiko dahil sa mga gumuhong lupa, madulas na kalsada at gumuhong slope protection at mga pagbaha.

Ilan dito ay sa kennon road sa Camp 6, Tuba Benguet, Judge Jose De Venecial Boulevard Extension Service Road 1 at Service Road 2 sa Dagupan City, Judge Jose De Venecia Sr. Avenue sa Dagupan City at Urdaneta Junction – Dagupan – Lingayen Road via tarlac. Gayundin sa may Urdaneta Junction – Dagupan – Lingayen Road via Zambales.

Limitado pa rin ang access sa 35 national road sections sa CAR, Negros Island Region (NIR), Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region at Zamboanga Peninsula dahil sa mga naputol na kalsada, pagbaha, madulas na kalsada at nawash-out na detour road.

Samantala, ayon sa DPWH, ang lahat naman ng iba pang national roads at mga tulay sa mga apektadong rehiyon ay nadadaanan na ng lahat ng uri ng mga sasakyan.