Sisimulan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isubasta sa pribadong sektor ang kabuuang 50 nakatenggang mining assets sa buong Pilipinas sa Nobiyembre.
Ito ay alinsunod sa mga pagsisikap ng pamahalaan para ma-maximize pa ang likas na yaman ng ating bansa.
Ayon kay DENR USec. Carlos Primo David, isinasapinal na ng kagawaran ang administrative order para sa pagbibigay ng mga panuntunan ng pagsubasta sa mining assets, kabilang ang mga mina na kinansela o nagpaso na ang exploration permits (EPs), mineral production agreements (MPAs) at financial o technical assistance agreements at iba pa.
Nakatakda aniyang ianunsiyo ang aktuwal na lokasyon ng mga nakatiwangwang na mining assets sa taunang Mine Safety and Environment Conference na idaraos sa Baguio City sa susunod na buwan.
Saad ng DENR official, kabilang sa package ang lahat ng kaukulang impormasyon at mga detalye ng proyekto, na magpapadali sa mga kompaniya na hanapin ang assets na nais nilang mamuhunan.
Agad naman na sisimulan ng pamahalaan ang auction sa pamamagitan ng competitive selection process.
Hindi aniya tulad ng competitive bidding process, mapupunta ang mining asset sa kompaniya na may pinakamalakas na technical at financial capacity.
Inaasahang kasama sa auction process ang local firms, gayundin ang mayroong partnerships sa foreign entities.