Inaasahang papalo sa 1.35 milyong pasahero ang bibiyahe sa pamamagitan ng pangunahing gateway ng bansa na Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong Undas 2025.
Tiniyak naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na nakahanda na sila para sa pagdagsa ng mga pasahero habang papalapit ang weekend exodus dahil sa paggunita ng Araw ng mga Santo sa Nobiyembre 1, at Araw ng mga Kaluluwa sa Nobiyembre 2.
Aniya, nakalatag na ang Oplan Undas at nakahanda na rin ang iba pang ahensiya na umalalay kabilang ang Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Philippine Coast Guard maging ang toll operators at concessionaires.
Ito naman aniya ay nakagawian na nilang paghandaan sa tuwing sumasapit ang Undas kada taon.
Kaugnay nito, nagsagawa na rin ng joint inspection ang DOTr kasama ang bagong pamunuan ng NAIA sa Terminal 3 ng paliparan.
Kung saan mayroon ng bagong check-in kiosks, gayundin ang innovative self bag-drop counters at bagong food hub na inihalintulad sa mga paliparan sa ibang bansa.
















