Kasabay ng paghahanda ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa posibleng pagpapakulong sa mga sangkot sa flood control scandal, tiniyak ni Interior Secretary Jonvic Remulla na walang ibibigay na special treatment sa kahit sinong makukulong.
Giit ni Remulla, sinumang makukulong dahil sa flood control scandal ay kailangang magsama-sama sa loob ng selda, anuman ang kani-kanilang estado sa buhay.
Kahapon, Oct. 20, ay nagsagawa ng inspection ang kalihim sa New Quezon City Jail sa Payatas bilang paghahanda para sa posibleng paglobo ng mga makukulong dahil sa naturang iskandalo.
Sa isang panayam ngayong araw, nilinaw ni Remulla na ang naturang pasilidad ay matagal nang naitayo ngunit kailan lamang natapos ang Phase 3 na pangunahing inihahanda para sa mga sangkot sa flood control scandal.
Sa inisyal na inspection aniya, maaaring magsama ang sampung indibidwal sa bawat selda habang bakante naman ang 21 hanggang 22 na selda para agarang magamit.
Ito ay katumbas ng mahigit 200 na preso.
Gayunpaman, kung mas marami pa sa 200 ang makukulong, kayang-kaya ng pasilidad na tumanggap ng hanggang 800 katao.
Plano ng DILG na pagsama-samahin ang mga preso sa selda nang hindi ikinukunsidera ang kanilang katayuan sa buhay.
Maari aniyang magsama sa loob ng selda ang isang senador, contractor, congressman, atbpa, kung sakaling ipag-utos na ang kanilang pansamantalang pagkakakulong, habang dinidinig ang kanilang kaso.
Ayon pa kay Remulla, pawang mga propesyunal ang mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology para sa pagbibigay ng sapat at pantay-pantay na serbisyo sa mga nasa loob ng kulungan.