Pinanindigan ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na mayroon umanong kinalaman ang magkapatid na kongresistang Edvic at Eric Yap kasama pati si Bulacan Rep. Salvador Pleyto sa flood control projects anomaly.
Ayon kay Ombudsman Boying Remulla, ang mga mambabatas na ito ay nakinabang sa naturang mga proyektong sangkot sa kontrobersiya.
Dito ipinaliwanag ng naturang opisyal sa kung papaano nadawit ang kanilang mga pangalan patungkol sa ghost at substandard na flood control projects ng pamahalaan.
Aniya’y nakakuha sila ng transmittal ng pera mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC na nagpapakita umano ng pattern ng ugnayan maging sa mga kontratistang Discaya.
Kanyang ibinahagi na aabot sa milyun-milyon ang perang kanilang natanggap mula sa ‘remittance’ nanggaling sa mga Discaya.
Aniya’y bank-to-bank transfer itong isinasagawa na siyang tukoy naman ng Anti-Money Laundering Council.
Dagdag pa rito’y ipinaliwanag pa ni Ombudsman Remulla ang naging papel ng mga kongresista sa kontrata o proyektong mga di’ natapos o maituturing din bilang ‘ghost projects’.
Samantala, kaugnay rito at sa inihaing reklamo ng Department of Public Works and Highways laban sa 20-opisyal ng kagawaran at 2 construction corporation, ayon kay Ombudsman Remulla, dideretso na sa preliminary investigation ang mga ito.
Kung kaya’t hindi na ito dadaan pa sa fact-finding o evaluation at inaasahang aatasan magsumite ng ‘counter affidavit’ ang mga respondents.
Maaalalang personal inihain ni Secretary Vince Dizon ang reklamong malversation at graft sa Ombudsman kontra mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at contractors sa mga proyektong nasa Davao Occidental at La Union.















