-- Advertisements --

Umabot na sa 60 ang natukoy ng Armed Forces of the Philippines na 60 non-existent o mga “ghost” flood control projects.

Ito ay bahagi ng pagtulong ng Sandatahan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pangunahing nagsasagawa ng inspection at verification sa mga naturang proyekto, batay sa available public records.

Ayon kay AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr., nabigyan sila ng actual coordinates kung saan dapat itinayo ang mga flood control project, at ang mga ito ang tinunton ng mga sundalo.

Hanggang 60 aniya ang natukoy ng team ng mga sundalo bilang non-existent o walang naipatayo. Ang mga ito ay mayroon ding available public records tulad ng pondo, pangalan ng contractor, at ang pagkukuhanan ng pondo.

Umabot na sa walong libong (8,000) flood control project ang nasuri ng AFP.

Ayon kay Gen. Brawner, posibleng tataas pa ang bilang ng mga ito dahil nagpapatuloy pa rin ang pag-iikot at inspection sa iba’t-ibang lokasyon.

Sa kabuuan aniya, nabigyan ang AFP ng hanggang 16,000 project para suriin.

Nilinaw naman ng heneral na ang papel ng AFP ay limitado lamang sa pagtukoy kung mayroong naitayong proyekto sa isang lugar, sa tulong ng nakuhang coordinates.

Ayon kay Gen. Brawner, walang technical expertise ang military units para suriin ang construction quality o tukuyin ang compliance ng mga ito sa mga nakapaloob na specifications.

Dagdag pa ng heneral, lahat ng mga ulat ukol sa flood control project ay naipapasakamay sa DPWH. Bahala na aniya ang ahensiya na magpadala ng mga engineer nito upang magsagawa ng validation sa report ng hukbo.