-- Advertisements --

Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na plano niya bilang tanod-bayan na suriin ang nakasanayang kultura ng korapsyon sa Department of Public Works and Highways.

Mariin aniya kasing tinututulan ang mistulang nakasanayan ng katiwalian sa naturang kagawaran.

Kung saan kanyang sinabi na dito papasok ang tungkulin ng Ombudsman na imbestigahan ang anumang isyu ng korapsyon sa pamahalaan.

Ayon pa kay Ombudsman Remulla, dapat tuluyan ng mawakasan ang katiwalian na para bagang tinanggap na lamang bilang kalakaran sa kagawaran.

Kasunod ang pahayag sa natanggap nitong impormasyon na hindi lamang kontratista o opisyal nakikinabang sa flood control projects anomaly kundi pati mga ‘losing bidders’.

Dahil rito’y ayon kay Ombudsman Boying Remulla ay ipasusuri niya ang umano’y pattern sa bidding process ng mga proyekto ng pamahalaan lalo na sa isyu ng flood control.

Sasangguni aniya siya sa Philippine Government Electronic Procurement System upang halungkatin sa files nito ang mga regular ng losing bidders sa mga proyekto.

Naniniwala ang naturang Ombudsman na labag ito sa mandato ng saligang batas sa talamak na bid rigging o manipulasyon at sabwatan sa bidding process ng flood control projects.