Binigyan ng hanggang Biyernes ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tapusin ang beripikasyon sa mga “red flag” na proyekto na posibleng may duplikasyon o inuulit mula sa mga 2025 projects na muling naisama sa panukalang 2026 national budget.
Sa pagpapatuloy ng pagbusisi sa panukalang pondo ng DPWH para sa 2026, sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na mula sa kabuuang 946 repetitive projects na nagkakahalaga ng P14.455 bilyon, ay 798 proyekto na ang kanilang na-validate at ito ay nagkakahalaga ng P11.656 bilyon.
Gayunman, aminado si Dizon na hindi pa tapos ang beripikasyon dahil kulang ang oras na inilaan sa kanila.
Isang linggo lamang kasi ang ibinigay ng Senado, at hindi rin ang kasalukuyang pamunuan ng DPWH ang naghanda ng naturang budget.
Paliwanag pa ni Dizon, sa 798 proyektong na-validate, wala silang nakitang duplikasyon o inuulit na proyekto. Subalit, sa natitirang 148 projects, patuloy pa rin ang kanilang pagsusuri upang matukoy kung may mga posibleng nauulit o tinaguriang “ghost projects.”
Ibinunyag naman ni Senate Committee on Finance Chairnan Senador Sherwin Gatchalian na ilang lokal na opisyal ang lumapit sa kanya upang ipahayag ang pangamba sa umano’y mga duplicated projects sa kanilang lugar.
May ilan namang naglinaw na ang mga ito ay mga “continuation projects” o pagpapatuloy lamang ng dati nang nasimulang mga proyekto.
















