-- Advertisements --

Inatasanni Pangulong Marcos Jr. si DPWH Secretary Vince Dizon na ibaba ang presyo ng mga materyales ng hanggang 50 porsyento upang matiyak na ang mga kontrata at proyekto ng ahensya ay sumasalamin sa aktwal na presyo sa merkado.

Ayon kay Pangulong Marcos, napakahalaga upang matiyak na ang bawat pisong inilalabas ng pamahalaan ay napupunta sa tamang proyekto at hindi nasasayang sa korapsyon.

Batay sa isinagawang pagsusuri ng DPWH, natuklasan na ang presyo ng ilang materyales sa konstruksyon tulad ng aspalto, bakal, at semento ay napakataas at umaabot sa overpricing na hanggang 50 porsyento.

Sinabi pa ng Pangulo, may ilang mga kaso pa umano na higit pa rito ang sobrang singil, na malinaw na nagpapakita ng iregularidad sa proseso ng procurement.

Giit ng Punong Ehekutibo, ang pagbaba sa presyo ng mga construction materials ay makakatipid ng aabot sa ₱30 hanggang ₱45 bilyon mula sa Capital Outlay ng DPWH.

Sabi ng Pangulo, ang mga matitipid na pera ay maaaring gamitin sa mga serbisyong direkta at agarang makatutulong sa mga mamamayan gaya ng kalusugan, edukasyon, at pagkain.

Dagdag pa ng Pangulo, ang kanyang administrasyon ay determinado na ipagpatuloy ang kampanya laban sa katiwalian at tiyaking magiging tapat, epektibo, at makatao ang paggastos ng pondo ng bayan.

Sa ngayon Patuloy ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagsusuri ng mga proyekto at kontrata, pati na rin sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.