Sinuspendi ng Department of Tourism (DOT) ang mga aktibidad sa turismo at isinara ang ilang tourist sites sa ilang mga rehiyon dahil sa patuloy na mga pag-ulang dala ng habagat at bagyong Emong.
Sa inilbas na advisory ng ahensiya, hinimok ng DOT ang mga turista at mga stakeholder na unahin ang kaligtasan, manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.
Epektibo dakong alas-5:00 ng hapon nitong Huwebes, sinuspendi ang mga aktibidad o pansamantalang isinara ang tourism sites sa National Capital Region kabilang na ang People’s Park and Nature sa Caloocan, Tagalag Eco-Tourism Park sa Valenzuela at ilang mga museum sa Pasig, Makati at San Juan City. Gayundin sa Intramuros walking tours and cultural exhibits ay sinuspendi.
Sa may Cordillera Administrative Region (CAR) naman isinara ang mga tourist spot sa Benguet, Baguio City sa lahat ng park maliban sa Burnham park, ang Sumaguing cave, Echo Valley at Kiltepan sa Sagada, ang Banaue heritage sites sa Ifugao, ecoparks sa Kalinga at sa mga bayan ng Tubo at Lagayan sa Abra.
Sinuspendi din ang Caving, Trekking, rafting at heritage tours at group tours sa rehiyon.
Sa Ilocos Region naman, isinara para sa mga turista ang Patar Beach, Bolinao Falls at Hundred Islands sa Pangasinan, ang Tangadan falls sa La Union at Pinsal Falls at musical fountain sa Vigan.
Gayundin, sinuspendi ang lahat ng water-based at outdoor activities sa buong rehiyon.
May ilang tourist destination din sa iba pang rehiyon ang isinara at itinigil pansamantala ang mga aktibidad sa turismo kabilang na sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western, Central at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.
Kaugnay nito, hinihimok ang mga biyahero na tawagan ang DOT Tourist Assistance Call Center na 151-TOUR (151-8687) para sa immediate concerns.