Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang apat na volcanic earthquakes sa paligid ng Bulkang Kanlaon sa loob ng nakaraang 24 oras.
Mula sa zero noong nakaraang araw, naitala nito ang apat na bilang ng mga pagyanig, base sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Patuloy ring mataas ang sulfur dioxide emission ng bulkan na umabot sa 3,380 tonelada noong Hulyo 16.
Nanatili namang nakataas ang Alert Level 3 sa bulkan, hudyat ng magmatic unrest o aktibidad na may kaugnayan sa magma.
Dahil dito inirekomenda ang paglikas ng mga residente sa loob ng anim na kilometrong danger zone. Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng aircraft malapit sa bulkan.
Nagbabala naman ang Phivolcs laban sa mga posibleng panganib tulad ng biglaang pagsabog, daloy ng lava, ash fall, rockfall, lahar sa panahon ng malalakas na pag-ulan, at pyroclastic flow.
Samantala, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tumaas na sa 94,737 ang bilang ng mga apektadong indibidwal, mula sa 94,228 at nasa mahigit P195 million narin ang naipamahaging tulong sa mga nasalanta.