Ipinag-utos na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. ang agarang pagbisita sa mga sakahang nasalanta dahil sa magkakasunod na kalamidad.
Inatasan ng kalihim sina Officer-in-Charge Undersecretary for Operations Roger Navarro at National Rice Program chief Undersecretary Chris Morales na pangunahan ang inspection at assessment sa mga sakahan.
Pinapatiyak ng kalihim na agarang tukuyin ang pangangailangan ng mga magsasakang naapektuhan sa magkakasunod na kalamidad upang makabuo ang kagawaran ng akmang tugon tulad ng pamamahagi ng mga agricultural inputs, pagbibigay ng technical assistance, atbpa.
Ayon kay Laurel, dapat makita ng mga magsasaka at mangingisda ang presensya ng gobiyerno sa panahon ng kalamidad.
Pinamamadali rin ng kalihim sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang pagsasagawa ng inspection at validation sa mga nasirang pananim at mga palaisdaan upang mapabilis ang paglalabas ng kompensasyon sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Sa huling tala ng kagawaran, umabot na sa P323.15 million ang halaga ng pinsalang inabot ng agriculture sector sa bansa dahil sa magkakasunod na kalamidad.
Ginawa ng kalihim ang naturang kautusan habang naka-leave dahil sa medical reasons sa loob ng dalawang lingo.
Inaasahan ding babalik na ang kalihim ngayong araw at agad gagampanan ang tungkulin bilang kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka.