Nagpaalala ang Embahada ng Pilipinas sa Thailand sa mga Pilipino malapit sa border ng Thailand at Cambodia na maging maingat at sumunod sa lahat ng kautusan ng lokal na awtoridad matapos ang naiulat na panibagong armadong sagupaan sa ilang lugar.
Partikular na pinag-iingat ang mga nasa Ubon Ratchathani, Si Sa Ket, Surin, Sa Kaeo, Buri Ram, Chanthaburi, at Trat.
Hinikayat ang mga residente na unahin ang kaligtasan, maging alerto, at agad i-report sa Embahada ang kanilang lokasyon.
Ipinayo rin ang regular na pag-monitor sa opisyal na anunsyo at pag-iwas sa pagbiyahe patungo sa mga apektadong probinsya habang hindi pa humuhupa ang tensyon.
Tiniyak naman ng Embahada na handa itong magbigay ng tulong sa mga Pilipinong nangangailangan. Para sa emergency, maaaring kontakin ang Assistance-to-Nationals (ATN) at Migrant Workers Office.
















