-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) ang kahandaan ng mga electric cooperative na tumugon sa kautusang hindi muna magpatupad ng disconnection sa mga power consumer.

Ito ay kasunod ng direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pansamantalang ihinto ang disconnection sa konsumo ng kuryente mula Mayo hanggang Hunyo.

Ayon kay PHILRECA Executive Director Atty. Janeene Depay-Colingan, handa ang mga electric cooperative sa buong bansa na tumugon sa bagong kautusan.

Sa katunayan aniya, hindi na bago sa mga electric cooperative ang ganitong sitwasyon dahil naranasan na rin ito noong COVID-19 pandemic at sa panahon ng iba pang sakuna.

Dito ay hindi muna ipinatupad ng mga power cooperative ang mga disconnection notice at itinakda lamang sa ibang buwan.

Samantala, sumusunod na rin aniya ang 111 electric cooperatives sa utay-utay na pagbayad sa electric bill, para sa mga kumokonsumo ng hanggang 200 kWh.

Ang direktiba ng ERC ay kasabay pa rin ng kasalukuyang krisis sa produktong petrolyo dulot ng kaguluhan sa Middle East.