-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pansamantalang suspensyon ng disconnection sa mga residential at non-residential consumers na hindi pa makakapagbayad ng kanilang electric bills mula Mayo hanggang Hulyo 2026.

Papayagan din ng ERC ang installment payment scheme na hanggang tatlong buwan upang mabigyan ng mas flexible na paraan ng pagbabayad ang mga konsyumer.

Sakop ng polisiya ang mga konsumo na hindi lalampas sa 200 kilowatt-hours kada buwan, kung saan maaari ring hatiin sa tatlong hulog ang bayarin.

Ayon sa ERC, layunin ng hakbang na mapagaan ang epekto ng mataas na singil sa kuryente na dulot ng tensyon sa Middle East na nakaapekto sa presyo ng enerhiya.

Dagdag pa ng ahensya, ang bayarin sa distribution utilities na hindi mababayaran agad ay maaaring ipasa sa mga power generators upang maibsan ang financial burden ng mga consumer.

Nilinaw ng ERC na bahagi ito ng emergency measures upang matiyak na hindi mawawalan ng kuryente ang mga konsyumer sa gitna ng pagtaas ng presyo ng kuryente.