Iniulat ng Philippne National Police na umabot na sa halos 500 mga indibidwal ang naaresto nang dahil sa paglabag sa umiiral na Comelec Gun Ban para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo, mula noong Agosto 28 na pagsisimula ng implementasyon ng naturang gunban ay umabot na sa kabuuang 474 ang bilang ng mga violators na kanilang naaaresto sa mga inilatag na Comelec checkpoint at mga ikinasang mga operasyon ng kapulisan.
Mula rito ay aabot naman sa 286 na mga armas ang kanilang nasamsam mula sa mga naarestong indibidwal kung saan 273 sa mga ito ay pawang mga pistol.
Kasabay nito ay muling nagbabala ang PNP na bukod sa Perpetual Disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno ay kakaharap din sa kaukulang kaso at kaparusahan ang sinumang mahuhuling lumalabag sa Republic
Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law na may kinalaman sa Omnibus Election Code o pagpapagtupad ng Election Gun Ban.