TOKYO – Inamin ni Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to Japan Jose Laurel V na malabong magkaroon ng audience si Pangulong Rodrigo Duterte kay bagong Japanese Emperor Naruhito.

Sinabi ni Amb. Laurel na ang Imperial Family bilang simbolo ng Japan, ay masyadong tradisyunal partikular sa protocol at seguridad kaya hindi maaaring basta-basta tumatanggap ng bisita.

Paliwanag ng ambassador, kung pagbigyan ng Imperial Family si Pangulong Duterte, baka magpupumilit ding makapasok ang mga lider ng India, Malaysia, Indonesia at iba pang dadalo sa Nikkei Forum.

Nabatid na kamakailan ay naupo na sa trono si Naruhito matapos ang makasaysayang abdication o pagbaba ni Emperor Akihito.

Gayunman, sa Agosto pa nakatakdang pormal na koronahan ang nakababatang emperor.

Si Amb. Laurel ay anak ni dating Ambassador Jose Laurel na nagsilbi ring kinatawan ng Pilipinas noong 1960s at nakatrabaho ang tatay ni ngayon ay Prime Minister Abe.

Samantala, binigyang-diin ng ambassador na hindi kontrobersyal, bagkus ay “interesting” si Pangulong Duterte para sa mga Hapon kaya isa siya sa napiling lider na magbibigay ng keynote speech sa Nikkei Forum sa kabisera na Tokyo.

Sa press briefing sa Philippine Embassy, sinabi ni Amb. Laurel na nakikita ng Japanese community si Pangulong Duterte bilang matapang at magaling na lider ng gobyerno.

Inihayag ni Amb. Laurel, gustong-gustong marinig ng mga Japanese investors ang pananalita ni Pangulong Duterte lalo ang kanyang kampanya laban sa korupsyon.