-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Manny Pacquiao na mas mabuting pag-aralan muna nito ang foreign policy.

Ito’y matapos ang naging pahayag ng Pinoy ring icon patungkol sa naging tensiyon sa China at Pilipinas hinggil sa West Philippine Sea.

Una nang kinuwestiyon ng senador ang Pangulo dahil nakukulangan umano ito sa ginagawang hakbang ng administrasyon para sa exclusive economic zone rights ng bansa na isa sa mga naging pahayag ni Digong bago ito umupo sa puwesto limang taon na ang nakakaraan.

“Nakukulangan ako kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, nag-e-eleksyon pa lang. Dapat ipatuloy niya yun para magkaroon din naman tayo ng respeto,” wika ni Pacquiao.

Ayon kay Pangulong Duterte, ayaw niyang malilitin si Pacman ngunit kung magbibigay ito ng pahayag ay mainam na pag-aralan muna nito ng malalim ang isyu.

“It’s about foreign policy, I wouldn’t want to degrade him but, next time, he should – mag-aral ka muna nang husto bago ka gumawa ng statement,” ani Duterte.

Pero sa gitna aniya ng mga pasaring ng senador, tiniyak ng Pangulo na mananatili silang magkasama sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan.