-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangang maging mas bukas, magkaroon ng mas malalim na pagkakaisa at mas malakas na kooperasyon ang mga bansa sa buong mundo sa paglaban sa COVID-19 pandemic at terorismo.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang mensahe sa kanyang pagdalo sa Aqaba Process Virtual Meeting on COVID-19 Response na pinangunahan ni King Abdullah II ng Jordan.

Sinabi ni Pangulong Duterte, ang COVID-19 ang pinakamatinding hamon sa kasaysayan ng daigdig kung saan walang bansa gaano man ito kalaki o kaliit ang pinaligtas ng pandemya.

Ayon ka Pangulong Duterte, sa kauna-unahang pagkakataon, lahat ng sangkatauhan sa buong mundo ay natakot sa isang matinding kalaban na hindi nakikita ng mga mata na maging ang ikalawang digmaang pandaigdig ay walang ganitong kalawak na epekto.

Kaugnay nito, inihayag ni Pangulong Duterte na pare-pareho ang naging tugon ng lahat ng bansa, pangunahin dito ay isara ang mga border at magpatupad ng limitadong galaw at kalakalan.

Pero maliban dito, nariyan pa rin daw ang banta ng mga terorismo sa saan mang bahagi ng mundo.

Inihayag ni Pangulong Duterte na hindi na-quarantine ng COVID-19 ang mga terorista gaya ng mga Abu Sayyaf, ISIS-inspired local terrorist groups at New People’s Army (NPA) sa Pilipinas.

Kaya dapat daw doblehin ang pagsisikap ng lahat para labanan ang dalawang “monumental challenges” na hinaharap ng mundo.

Ang Aqaba Process ay inilunsad ni King Abdullah II noong 2015 para magkaroon ng ugnayan at kooperasyon ang mga world leaders at kinatawan ng United Nations (UN) laban sa terorismo.