-- Advertisements --

Sanib pwersa ngayon ang Department of Social Welfare and Development at Technical Education and Skills Development Authority para sa pagbibigay ng kasanayan sa mga dating miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan mai-angat ang kabuhayan ng mahihirap na pamilyang Pilipino.

Ito ay pamamagitan ng pagbibigay ng mga napapanahong skill-based development programs sa mga ito.

Batay sa pinirmahang kasunduan ng dalawang ahensya , magkakaloob ito ng libreng skills training at sertipikasyon sa mga mapipiling 4Ps graduate.

Ang mga benepisyaryo ng programa ay dadaan naman sa kaukulang balidasyon ng DSWD.

Layunin nitong tulungan ang mga pamilyang umaalis sa cash grant program na maging handa sa trabaho o pagnenegosyo.

Tinatayang aabot sa 1.8 milyong kabahayan ang magtatapos sa 4Ps program sa 2026.

Kabilang dito ang mahigit isang milyong senior high school graduates na magtatrabaho o magpapatuloy sa pag-aaral.