Inihayag ng Bureau of Internal Revenue na handa nitong imbestigahan ang mga negosyo ng gaming business tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang upang tiyakin kung ito’y nagbabayad ng kaukulang buwis.
Ayon mismo kay Commissioner Romeo Lumagui Jr, handa ang kaniwahan na kanila itong suriin para lamang masegurong hindi ‘tax evader’ ang naturang negosyante.
Aniya’y lahat naman raw ng mga negosyong may kaugnayan sa online gambling ay kanilang tinitingnan lalo pa’t kung may matanggap silang impormasyon patungkol sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
“Lahat naman yan titingnan natin ano once that we have information na mas mapagsisimulan, so titingnan din natin lahat ng mga involved dito. Gusto lang naman natin seguraduhin na nagbabayad lahat ng buwis,” ani Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. ng Bureau of Internal Revenue
Ngunit sa kabila nito, inihayag ng Department of Justice na hindi pa nila inirerekumendang ipasilip ang mga negosyo ni Atong Ang upang mapaimbestigahan.
Naniniwala si Justice Assistant Secretary Mico Clavnano na hindi pa napapanahon ang pag-iimbestiga patungkol sa ‘financial records’ ng naturang negosyante.
Kanyang iginiit na ang pokus ngayon ng kagawaran ay ang pag-iimbestiga hinggil sa ‘murder case’ o mga kaso ng pagpatay at kidnapping kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
“Well, it seems a little bit off tangent if for we’re just talking about the murder cases… so financially of course the state will always have an interest to that. Always, always. But if we’re just talking about this case then mukhang hindi namin isasama ang financial records pa,” ani Assistant Secretary Mico Clavano ng Department of Justice.
Ngunit kanyang idinagdag na kanilang hindi isinasantabi ang rekomendasyong ito upang mapaimbestigahan din ang financial records ni Atong Ang na umano’y mastermind sa ‘missing sabungeros case’.
Nakalaan aniya ang kanilang atensyon sa ‘search and retrieval operations’ sa Taal lake at mga bagong witnesses na posible pang lumantad sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.