Balak umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-ikot sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng Taal Volcano ngayong araw sa kabila ng banta ng patuloy na ashfall.
Sinabi ni Pangulong Duterte, nais niyang makita ang sitwasyon lalo ang napabalitang overpricing sa mga face masks sa lugar.
“I want to go around . . .’Pag hindi nyo ako nakita sa daan, sa bangin nyo na ako hanapin,” ani Pangulong Duterte.
Nang matanong kung hindi ba siya nababahala sa ashfall lalo sa kanyang kalusugan, pabirong inihayag ni Pangulong Duterte na kakainin pa niya ang ashfall at iihian ang Taal Volcano.
“Kainin ko pa yang ashfall na ‘yan. pati ‘yang Taal na ‘yan, ihian ko ‘yan, ‘yang bwisit na ‘yan,” tugon ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito, tiniyak ni Pangulong Duterte na sapat ang pondo ng gobyerno para magamit sa relief and rehabilitation sa mga biktima ng sakuna.
Mariin namang binalaan ni Pangulong Duterte ang mga nagsasamantala sa supply at presyo ng face mask sa gitna ng kalamidad.
Huwag na huwag daw silang magho-hoard ng face mask para maibenta ng mas mahal presyo, kundi ay ipapalusob niya sila sa militar.
Magugunitang mula sa dating P20-P30 bawat face mask, ibinebenta na umano ito sa P200 hanggang P500.