Maaari pa ring sumumpa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang bagong tungkulin bilang Mayor-elect ng Davao City kahit na nakapiit ito sa International Criminal Court.
Ito ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pulong balitaan kung saan aniya sa pamamagitan ng consular office ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands ay maaari itong manumpa bilang alkalde.
Bukod dito, dahil hindi pa maaaring umuwi ang dating pangulo, batay sa local government code, ang hahalili sa kanya ay ang kanyang anak na si Vice Mayor-elect Baste Duterte.
Iginiit ni Escudero na ito ay karapatan ni Duterte sangayon sa rules ng The Hague at may proseso na sa ganitong mga sitwasyon.
Hindi naman naniniwala si Escudero na mayroong kapangyarihan ang International Criminal Court para idiskwalipika si Duterte sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, kahit pa siya ay mapatunayang may sala.
Paliwanag ng senador, kahit mahatulan si Duterte hindi naman otomatiko ang absolute perpetual disqualification dito dahil ito ay nag-aapply lamang sa ilang mga kaso at hindi saklaw ng korte sa bansa ang ICC.