-- Advertisements --
Duterte and X
President Duterte and Chinese PresidentXi / PCOO FB image

Nilinaw ng Malacañang na pinapahalagahan pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang arbitral ruling sa kabila ng hindi pagkilala rito ng China.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, patuloy na panghahawakan ng Pilipinas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na ang Pilipinas ang may karapatan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Pero ayon kay Sec. Panelo, sa ngayon ay nais ni Pangulong Duterte na tumutok na lamang muna sa mga areas of cooperation kung saan maaaring magtulungan at magkasundo ang dalawang bansa.

Hindi aniya ibig sabihing wala nang halaga ang arbitral ruling dahil lang sa hindi ito kinilala ni Chinese President Xi Jinping noong igiit ito ni Pangulong Duterte sa kanilang bilateral meeting.

Malinaw umano ang naging pahayag ni Pangulong Duterte na anumang oras ay muli niyang igigiit ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea at ang dokumentong ito ang kanyang basehan.