Kinumpirma ng Palasyo ng Malakanyang na bumuo na ng isang committee si Pangulong Rodrigo Duterte upang tiyakin ang smooth transition para sa susunod na administrasyon.
Sinabi ni acting presidential spokesman Martin Andanar na nakatakdang pangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang naturang transition committee.
Ito ay para sa paghahanda at implementasyon ng transition plan ng Office of the President para sa susunod na administrasyon.
Magpapatuloy din aniya ang administrasyong Duterte sa pagsisikap para sa isang smooth transition, at iiwanang may matibay na pundasyon ang mga public office para sa pagpapanatili ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.
Magugunita na una nang inihayag ni Pangulong Duterte nagsimula na siyang mag-impake ng kanyang mga gamit sa kanyang opisina at handa na rin daw siya na makipag-usap sa susunod na uupang presidente ng Pilipinas.
Tiniyak niya rin sa publiko ang isang maayos at mapayapang halalan para sa taong ito, at ipinag-utos din sa mga ahensya na siguraduhin na malaya mula sa karahasan at pananakot ang darating na botohan.