-- Advertisements --

Mariing kinontra ng Kamara ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na nakabatay sa tsismis ang kasong kinakaharap ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante ang kasong kinakaharap ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) ay nakabatay sa matitibay na ebidensya at mga sinumpaang salaysay ng mga saksi.

Binigyang-diin ni Abante na ang kaso sa ICC ay naka-ugat sa isang internasyonal na legal na proseso na sinusuportahan ng dokumentaryong ebidensya at testimonya ng mga biktima, hindi sa sabi-sabi o ingay sa pulitika.

Naitanong din kay Abante ang reaksyon niya sa panawagan ng Bise Presidente na ibasura ng ICC ang kaso at hayaang ang mga Pilipino ang magpasya sa kapalaran ng dating pangulo, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.

Nilinaw niya na walang kinalaman ang House sa mga pagdinig ng ICC at nananatili itong hiwalay at independiyente mula sa international court.

Kasalukuyang nakakulong si dating Pangulong Duterte at naghihintay ng paglilitis sa ICC dahil sa umano’y extrajudicial killings na naganap noong kanyang panunungkulan.

Bagaman umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019, nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa ng naturang tratado.