(Update) Personal na bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa burol ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel, Jr.

Dakong alas-10:41 kagabi nang lumapag ang sinakyan nitong eroplano sa Villamor Air Base sa Pasay City mula sa Japan.

Kararating lamang ng Pangulo sa kanyang pinaikling pagbisita sa Japan pero agad siyang dumiretso sa Heritage Memorial Park sa Taguig City kung saan nakaburol ang dating senador.

Pres Duterte and Mrs Pimentel
President Duterte and Mrs. Pimentel

Hindi na nagpaunlak pa ng panayam ang Pangulo pagkatapos nitong magtungo sa lamay.

Ang dating senador ay founder ng PDP-Laban kung saan si Pangulong Duterte ang chairman at tumakbo sa ilalim ng partido noong presidential elections.

Una rito, kahapon ng hapon bago umalis ng Tokyo, tiniyak mismo ni Pangulong Duterte na walang dapat ikabahala ang taongbayan kaugnay sa kanyang kalusugan at kondisyon.

Ginawa ng chief executive ang pahayag matapos nitong putulin ang biyahe sa Japan kung saan ito dumalo sa enthronement ceremonies ni Japanese Emperor Naruhito sa Tokyo dahil sa pananakit ng kanyang spinal column malapit sa pelvic bone.

Sa Facebook video ni Sen. Bong Go habang nasa sasakyan sila ni Pangulong Duterte papuntang airport sa Tokyo, sinabi ng Pangulo na dahil sa kanyang pagkakasemplang noong Huwebes, masakit ang kanyang balakang partikular sa kanyang “waistline” at naramdaman niya ito paggising niya sa umaga bago ang enthronement ceremonies.

Nakadalo pa sa seremonya sa Imperial House si Pangulong Duterte gamit ang tungkod (cane) pero hindi dumalo sa court banquet kagabi at iniwan si Davao City Mayor Sara Duterte para magsilbi nitong kinatawan.

Duterte in Tokyo
President Duterte while in Tokyo with Sen. Bong Go and Mayor Sara Duterte-Carpio