-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang na tatlong araw na magpapahinga sa trabaho si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, magsisimula ang pahinga ni Pangulong Duterte bukas at gugugulin niya ito sa Davao City.

Ayon kay Sec. Panelo, si Executive Secretary (ES) Salvador Medialdea ang tatayo munang officer-in-charge (OIC) gaya ng ginagawa nito kapag may biyahe ito sa ibang bansa.

Nilinaw naman ni Sec. Panelo na walang pangangailangan para sumailalim sa anumang medical examination o test si Pangulong Duterte, kundi ang sapat na tulog at pahinga.

Hindi na rin aniya kailangan pang magbilin o magbigay ng direktiba ang pangulo sa gabinete dahil alam na nila ang kanilang gagawin.

Ang pagpapabawas ng trabaho ng pangulo ay nagmula na rin sa rekomendasyon ng kanyang doktor para hindi ito masyadong mapagod at makabawi ng tulog mula sa mga nakalipas na pagpupuyat.

Inihayag pa ni Sec. Panelo na hindi iaatang ni Pangulong Duterte kay Vice President Leni Robredo ang pansamantalang pamumuno sa bansa dahil masyado na itong abala sa kaniyang bagong trabaho bilang drug czar.