Agad inatasan ng Malacanang ang Department of Trade and Industry (DTI) na tutukan ang bentahan ng mas murang asukal sa susunod na linggo.
Ito’y para matiyak na mas maraming consumers ang makabibili ng P70 kada kilong asukal.
Napagkasunduan kasi na lilimitahan ng participating retailers sa isang kilo bawat consumer muna ang pagbebenta para maiwasan ang posibleng hoarding.
Ang availability ng P70 kada kilong asukal ay tatagal lang hangga’t mayroong supply.
Una rito, sinabi ni Executive Secretary Victor Rodriguez na nangako na ang ilang supermarket at malls na mag-unload ng isang milyon kilos ng asukal sa halagang P70 kada kilo sa Metro Manila.
May nag-commit naman ng dalawang milyon kilo ng refined sugar sa halagang P70 per kilos, habang ang connected stores sa kanila ay ibebenta ang washed sugar sa P70 kada kilo rin.
Samantala, sinabi ni Rodriguez na nangako rin ang Victorias Milling Company na tutulong sa food manufacturing industries.
Ibebenta nito ang 45,000 sako sa nasa 50 kilos per sack ng bottler-grade sugar para sa soft drinks companies.
Maliban dito, naglaan din anya ang Victoria’s ng 500,000 kilo ng asukal para sa Kadiwa stores sa matataong lugar sa Visayas.