-- Advertisements --

Hindi makatwiran na bumaba sa pwesto si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng kontrobersya at imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects. 

Ayon kay Senador Erwin Tulfo, wala ang problema sa kalihim kundi nakaugat ang mga ito sa mga opisyal sa ilalim ng kanyang pamunuan gaya ng undersecretaries, regional directors, district engineers, at contractors.

Dagdag pa ni Tulfo, limitado rin ang kakayahan ng kalihim na personal na masubaybayan ang lahat ng proyekto sa iba’t ibang lugar. 

Kaya umaasa aniya si Bonoan sa mga report ng regional directors at district engineers, ngunit maaari itong maloko kung magsisinungaling ang mga ito. 

Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na nananatiling hamon ang prinsipyo ng command responsibility, lalo na’t patuloy ang mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto ng DPWH.

Umaasa naman si Tulfo na magkaroon ng reshuffle sa mga district engineers dahil hindi umano matitigil ang katiwalian sa mga flood control projects. 

Samantala, nakadepende naman daw kay Pangulong Marcos kung pananatilhin sa pwesto si Bonoan dahil siya naman ang nag-appoint dito.