Nasagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 160 bata mula sa New Life Baptist Church of Mexico Pampanga, Inc. (NLBCMPI) matapos matuklasan ang umano’y pang-aabuso sa isinagawang routine inspection noong Agosto 12.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mismong ang mga bata ang nagkuwento sa social workers ng Region 3 na sila ay sinasaktan, itinatali gamit ang kadena, ikinukulong sa banyo, at pinagkakaitan ng pagkain bilang parusa. Itinuturo umano ng mga bata ang isang pastor ng isang American national at direktor ng pasilidad, bilang responsable sa pang-aabuso.
Matapos ang imbestigasyon, agad naglabas ng Cease and Desist Order si Gatchalian noong Agosto 13. Kinahapunan ay naiserve ito sa tulong ng Pampanga Police Office, at gabi ng parehong araw, inaresto ang pastor sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Lahat ng mga bata ay dinala sa Reception and Study Center for Children (RSCC) sa Lubao, Pampanga, kung saan bibigyan sila ng psychosocial support at iba pang tulong upang makarekober mula sa trauma.
Nakipag-ugnayan na rin ang DSWD sa Bureau of Immigration (BI) para sa hold departure order laban sa pastor upang hindi ito makalabas ng bansa habang dinidinig ang kaso.