Nilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) na tanging ang mga ipinanukalang pondo lamang ng mga ahensiya ang isinama sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw matapos magbabala si dating Senate President Franklin Drilon na maaaring nangyayari pa rin ang double insertions, kung saan posibleng naisingit na aniya ang inisyal na political fund allocations nang isinumite ang panukalang pambansang pondo sa mga mambabatas.
Ayon kay Budget USec. Goddes Hope Libiran, ang NEP ay striktong naglalaman lamang ng mga proyekto na isinumite at inendorso ng mga ahensiya mismo ng gobyerno, nang walang karagdagang items na in-introduce ng DBM sa labas ng opisyal na mga panukala ng mga ahensiya.
Matatandaan, umabot sa mahigit P10 trillion ang panukalang pondo base sa total expenditure plan para sa susunod na taon subalit tinapyasan ito sa P6.793 trillion dahil sa limitadong fiscal space.
Ang mga pangunahing sektor na nakakuha ng pinakamataas na alokasyong pondo ay ang imprastruktura, at sinundan ng edukasyon.