Naka-focus daw ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paggamit na ng online registration bago ang aktuwal na pamamahagi ng educational assistance sa mga estudyante.
Kasunod na rin ito ng pagbuhos ng mga estudyanteng nais makakuha ng cash assistance noong Sabado.
Sinabi ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na ang kanilang target ngayon ay maipamahagi nang maayos sa mga bayan at lungsod ang cash aid sa mga estudyante sa nalalabing limang Sabado ng naturang programa.
Uunahin daw ng DSWD ang pamamahagi ng educational cash aid sa mga naka-register at saka nila isusunod ang mga walk-in applicants na hindi pa nakaka-sign up online.
Kasabay naman ng paghimok ni Tulfo sa mga estudyanteng magrehistro online ay naniniwala naman ang DSWD na karamihan daw sa mga Pilipino ay may access sa computer, laptop o mobile phone na puwedeng gamitin para makapag-sign up para makuha ang cash aid sa kung anong araw nila gusto.
Magde-designate naman ang ahensiya ng QR codes at email addresses na puwedeng ma-access ng mga beneficiaries para magparehistro kada rehyion.
Sinabi ni DSWD spokesperson Rommel Lopez na maglalabas daw sila ng bagong panuntunan o guidelines kaugnay nito.