-- Advertisements --

Inaasahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy pang tataas ang bilang ng mga kabahayan na makatatanggap ng kanilang emergency cash subsidies.

Ayon kay DSWD spokesperson Director Irene Dumlao, 85% na sa P100 bilyong alokasyon para sa unang tranche ng ayuda ang naipamahagi sa mga benepisyaryo ngayong araw.

Mahigit 15 milyong kabahayan na raw kasi ang naabutan ng social amelioration aid mula sa national government dahil sa epekto ng coronavirus pandemic.

Buo naman daw ang tiwala ng DSWD sa mga local government units na maayos nilang magagampanan ang kanilang tungkulin sa pamimigay ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.

Makikipagtulungan naman ang naturang ahensya sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga LGUs sa pamamahagi ng mga pondo para sa mga benepisyaryo nito.

Ang lahat ng cash subsidies mula sa unang tranche na hindi maipapamahagi ngayong araw, May 10, ay kinakailangang iliquidate at ibalik sa DSWD.

“Kinakailangang magsumite tayo ng reports para mai-account natin kung saan napunta ‘yung pondo. Ito ay ibabalik din natin. Nakaka-review tayo ng report na isusumite sa ating mga economic managers para naman ang pondong ito ay magamit din sa iba pang distribution. It can be used as funds for other activities,” wika ni Dumlao.