Hinimok ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga indibidwal na sangkot sa ‘flood control projects’ na kanilang ibalik ang nakuhang yaman mula sa anomalya.
Ito ang naging paanyaya ng naturang Justice Secretary sapagkat naniniwala syang dapat maibalik o maisauli ng mga ito ang kanilang umano’y mga kinamal na pera mula sa pondo ng bayan.
Kasunod ang kanyang pahayag nang sabihin ng kalihim na bukas ang kagawaran para sa mga nais tumestigo o lumutang na ‘whistleblower’ para makatulong sa imbestigasyon.
Habang giit pa ni Justice Secretary Remulla ang lugi o dehado umano sa mga pangyayari hinggil sa isyu ng ‘ghost projects’ ay mismong taumbayan rin aniya.
“Dapat dyan, atlis dyan, isauli naman nila yung kanilang ano, mga nakamal na yaman na hindi naman dapat. Kasi ang lugi dito taumbayan eh, ang lugi rito masang Pilipino sa mga pangyayaring ito,” ani Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Matapos ihayag ng kalihim na bukas ang kagawaran para sa mga lilitaw na testigo, aniya’y ang kukunin ng Department of Justice bilang ‘state witness’ ay ang ‘least guilty’ o siyang may pinakamababaw na kasalanan.
Dagdag pa ni Sec. Remulla na mas mapapadali ang trabaho sakaling mayroon ng hawak na ‘state witness’ ang kagawaran para sa imbestigasyon.
Bagama’t posibleng mapawalang sala sa kasong kriminal, binigyang linaw ng kalihim na hindi ito nangangahulugang lusot na rin sa pananagutang sibil o civil liability.
Samantala, inihayag naman ni Justice Secretary Remulla na kasalukuyang nasa Pilipinas pa rin ang pamilya Discaya.
Ibig sabihin ay walang kumpirmasyon nakalabas na ng bansa si Sarah Discaya at ilan pang mga kaanak nito nasasangkot sa maanomalyang ‘flood control projects’.
Ang mag-asawang Sarah at Pacifico Discaya ay ang siyang nangunguna sa listahan ng kagawaran na inisyuhan ng ‘Immigration Lookout Bulletin Order’.
Kabilang kasi sila sa mga iniimbestigahan na sangkot umano sa isyu ng ‘flood control projects’ sa bansa.