ROXAS CITY – Huli ang isang drug surrenderee sa isinagawa drug buy bust operation ng mga kapulisan sa Barangay Gabuan, Roxas City.

Kinilala ang naaresto na si Jeric Clarito, 37, ng Barangay Dumulog sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Mark Anthony Garcia, team leader ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Capiz Police Police Provincial Office (CPPO), inihayag nito na narekober sa posisyon ng suspek ang 16 sachets ng shabu at P1,000 na buy bust money.

Mahigpit na monitoring umano ang isinagawa ng mga otoridad sa suspek bago ginawa ang naturang operasyon.

Ayon naman kay Punong Barangay Alfredo Villanueva, dayo lamang sa kanilang barangay ang naturang suspek.

Aniya, kaagad silang nakipag-ugnayan sa mga otoridad kapag may namo-monitor na tulak ng iligal na droga sa kanilang barangay.

Inamin naman ng drug suspek na sa kaniya ang nakuhang mga shabu at aminado rin itong nagtutulak siya at gumagamit ng droga.

Idinagdag pa ng suspek na pinansiyal na problema ang nag-udyok sa kaniya upang pumasok sa iligal na gawain lalo na’t wala umano itong permanenteng trabaho at hiwalay pa sa kaniyang asawa.