Kinumpirma ng Department of Justice na mayroon na silang ‘ground zero’ kung saan sisimulan ang isasagawang ‘technical diving operation’ sa bahagi ng Taal Lake.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, tukoy na ng kagawaran ang lokasyon na ibinahagi at isinawalat mismo ng hawak nilang testigo.
Kanyang ibinunyag na ito’y sa isang ‘fishpond’ na pagmamay-ari umano ng isa sa mga suspek na kasama sa kanilang mga iniimbestigahan.
Kaya’t bunsod nito’y sinabi rin ng naturang kalihim na kanilang isasagawa na ang naturang diving operation anumang araw ngayong linggo.
Ito’y upang mahanap ang labi ng mga nawawalang sabungero na posible pang matagpuan na siyang sinasabing inilibing umano sa Taal lake.
Dagdag pa ni Secretary Remulla na kumpyansa ang kagawaran sa impormasyong hawak nila kaya’t naniniwala siyang may katiyakan ang lokasyon kung saan sisimula ang ‘technical diving operation’.
“Merong fishpond lease yung isang suspect na ano natin na tinutukoy natin. Bali, ‘yun ang ating ano ground zero natin from the start,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga hamon na kakaharapin ng technical diving team sa pagsisid ng grupo sa bahagi ng Taal Lake.
Kung saan kanyang inisa-isa ang mga ito katulad ng kondisyon ng lake bed ng Taal dahil sa mga naitatalang volcanic eruptions.
At maging ang lagay ng panahon ay kanya ring ikinukunsidera at ikinababahala.
Ngunit kanyang pagtitiyak naman na bagama’t may mga hamon na kinakaharap, hindi aniya ito magiging dahilan para lamang ihinto at maudlot ang paghahanap sa labi ng mga nawawalang sabungero.
Matatandaan na ibinunyag ng testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ang rebelasyong inilibing umano sa Taal Lake ang mga nawawalang sabungero.
Kaya’t bunsod nito’y ang Department of Justice ay nais matukoy kung mayroon nga ba itong katotohanan upang maresolba at tuluyang matuklasan na ang katotohanan sa likod ng kaso.