-- Advertisements --

Nadiskubre ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 billion sa isang bahay sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nadiskubre ang bilyong halaga ng iligal na droga kasunod ng ikinasang search warrant sa isang bahay sa may Orchid Street, Timog Hills Subdivision sa Barangay Pampang.

Ayon sa ahensiya, nakalagay sa loob ng 155 transparent plastic bags ang mga iligal na droga na may bigat na isang kilo kada isa.

Subalit lumalabas na inabandona ang bahay at hindi natagpuan sa lugar ang Chinese national na punterya ng isinilbing search warrant kayat nananatili itong at-large.

Hindi naman pinangalanan ng PDEA ang suspek subalit mahaharap aniya ang naturang dayuhan sa mga kaso ng paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, konektado ang nadiskubreng iligal na droga sa operasyon noong Mayo 14 sa parehong siyudad kung saan nasamsam ang mahigit 35 kilos ng shabu na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang Chinese at kasabwat nitong Pilipino.