-- Advertisements --

Kaugnay ng mga naglalabasang isyu ng anomalya at katiwalian sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nagpahayag ng panawagan si Secretary Vince Dizon sa publiko.

Hiling niya na huwag sanang agad husgahan at bigyan ng masamang tingin ang lahat ng empleyado at kawani ng ahensya.

Ipinaliwanag ng kalihim na hindi lahat ng empleyado ay sangkot sa mga alegasyong ito, at marami sa kanila ang tapat at dedikado sa kanilang trabaho.

Binigyang-diin pa ni Sec. Dizon na may ilang kawani ng DPWH ang nakararanas na ng hindi magandang pagtrato, kabilang na ang harassment at bullying, dahil sa lumalaking kontrobersiya.

Ang mga inosenteng empleyado, na walang kinalaman sa mga isyu, ay nadadamay at nakakaranas ng negatibong epekto.

Dahil sa ganitong sitwasyon, ang unyon ng mga empleyado ng DPWH ay humiling na pansamantalang alisin o suspindihin ang uniform policy.

Layunin ng kahilingang ito na protektahan ang mga inosenteng empleyado mula sa posibleng diskriminasyon o pananamantala habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon kay Sec. Dizon, nakakalungkot isipin na ang mga matitinong kawani ng DPWH ang siyang labis na apektado at nagdurusa sa mga nangyayari.