-- Advertisements --

Nakatakdang ilabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang listahan ng mga ghost at substandard project sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, isasama sa naturang listahan ang pangalan ng mga contractor ng bawat proyekto, pangalan ng mambabatas o public official na proponent, at mga empleyado o opisyal ng DPWH na pumirma sa mga naturang proyekto.

Ayon pa kay Dizon, isinasapinal na ng DPWH ang naturang listahan at plano ng ahensiya na ilunsad ito matapos ang ilang linggo. Target itong buksan online kung saan maaaring ma-access ng publiko ang kabuuan ng listahan.

Paliwanag ng kalihim, ang naturang hakbang ay bahagi ng pagnanais nitong buksan sa publiko ang mga public infrastructure project na natukoy na may anomaliya.

Aniya, maingat na inuusisa at sinusuri ang bawat public infrastructure project na ilalagay sa naturang listahan upang masigurong wasto ang mga impormasyon at datus na nakalagay sa project description at official project report

Tiniyak naman ni Sec. Dizon na ang mga ilalabas na impormasyon sa naturang listahan ay hindi makaka-apekto sa kanilang iinihain at ihahain pang kaso laban sa mga contractor, DPWH employees, at iba pang may kaugnayan sa flood control scandal.

Ayon sa kalihim, bagaman maraming flood control project na ang isasama sa naturang listahan, tiyak na madadagdagan pa ito habang gumugulong ang mga serye ng inspection.

Lahat aniya ng mga ito ay ilalabas sa publiko bilang transparency campaign ng ahensiya.