Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na umabot sa hindi bababa sa ₱50 bilyon mula sa unprogrammed appropriations ng 2024 national budget ang inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga proyekto sa imprastraktura, kabilang na ang ₱30 bilyon para sa mga flood control projects.
Ayon kay Lacson, malinaw na indikasyon ito na patuloy ang ilang opisyal ng DPWH sa pagpapatupad ng mga proyektong hindi alinsunod sa master plan ng pamahalaan.
Ipinunto niya na tila “nasanay” na ang ahensya sa pagpopondo ng mga flood control projects na hindi umaayon sa kabuuang plano ng gobyerno.
Ibinahagi rin ni Lacson na ang pondo mula sa unprogrammed appropriations ay tila ipinamahagi sa iba’t ibang distrito nang walang malinaw na batayan, na nagresulta sa pagdami ng mga proyektong flood control.
Aniya, ito ay patunay ng paulit-ulit na pang-aabuso sa pondo ng bayan.
Samantala, nanindigan din si Lacson na tatanggalin ng Senado ang ₱42 bilyong nakalaan para sa mga social assistance programs o “ayuda” mula sa unprogrammed appropriations ng 2026 national budget bill.
Aniya, dapat lamang na ang mga ganitong uri ng programa ay ilagay sa regular na budget at hindi sa unprogrammed funds, na nakalaan dapat sa mga foreign-assisted projects lamang.
Sinabi pa ni Lacson na nagkakaisa ang mga lider ng Senado, kabilang sina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Sherwin Gatchalian, sa paninindigang ito.
















