-- Advertisements --

Suportado ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon ang patuloy na operasyon ng mga motorcycle (MC) taxis.

Ang anunsyong ito ay kasunod ng isang pulong kasama si George Royeca, CEO ng motorcycle taxi company at advocate ng modernization sa transportasyon at kapakanan ng mga riders.

Tinalakay sa dayalogo ang mga mahahalagang isyu mula sa mga biker na umaasa sa MC taxi bilang kabuhayan, at mula rin sa mga commuter na umaasa sa abot-kayang uri ng transportasyon—lalo na sa mga mataong kalsada ng Metro Manila.

Matapos ang opisyal na pagtatapos ng pilot program para sa MC taxis noong 2024, at dahil sa nalalapit na pagtatapos ng kasalukuyang Kongreso, kinilala ni Secretary Dizon ang pangangailangang kumilos agad. Bilang tugon, nangako siya na maglalabas ang ahensya ng isang Department Order upang payagang legal na magpatuloy ang serbisyo ng MC taxis habang hinihintay ang pagpasa ng isang permanenteng batas.

Layunin nilang magbigay ng mas magaan na pasanin sa mga pasahero sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming opsyon sa transportasyon, mas mabilis na biyahe, at mas maraming oras kasama ang pamilya.

Gayunpaman, muling iginiit ng kalihim ng transportasyon na ang mga MC taxi ay kailangang sumunod nang lubos sa mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada ayon sa bagong Department Order, gayundin sa umiiral na pamantayan at regulasyon sa pagiging roadworthy at kwalipikasyon ng mga driver.