-- Advertisements --

Lumagda ng kasunduan ang Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Department of Education (DepEd), at ang Embahada ng United Kingdom para sa pagpapaunlad ng isang transit hub sa loob ng 13-ektaryang DepEd Complex sa Lungsod ng Taguig, na ikokonekta sa Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway.

Layunin ng proyektong ito na pagaanin ang araw-araw na biyahe ng mga commuter—lalo na ang mga estudyante. Target ng Senate DepEd Transit Oriented Development o SEED Project na lumikha ng isang Education City sa pamamagitan ng isang transport hub, gayundin ng mga green space at mga pasilidad pang-edukasyon na hihikayat sa paggamit ng pampublikong transportasyon, paglalakad, at pagbibisikleta.

Ang inaasahang transport hub ay magkakaroon ng mga gusaling eco-friendly, bukas na espasyo, pabahay para sa mga guro, at mga pasilidad para sa pagsasanay.

Nangako ang UK Foreign Commonwealth and Development Office na magpapadala ng British experts upang tumulong sa pagsasakatuparan ng sustainable at matatag na disenyo ng lungsod.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, tiyak na makikinabang ang proyekto pa sa hinaharap ng kagawaran dahil sa inisyatibong ito.

Samantala, para naman kay Education Secretary Sonny Angara, nakikita niyang ang hakbang na ito ay magpapalago pa sa sektor ng transportasyon sa Pilipinas. (report by Bombo Jai)