-- Advertisements --

Magtutulungan ang Department of Transportation (DOTr) at ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) para magkasa ng imbestigasyon hinggil sa pagpatay sa isang Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) enforcer sa Cavite.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, binaril ang biktima sa loob mismo ng kaniyang tinutuluyan sa Cavite kung saan patuloy na inaalam ng mga otoridad ang motibo sa likod ng krimen.

Ayon pa sa kalihim, ayaw niya na munang pangunahan ang imbestigasyon dahil sa ngayon ay hindi pa rin alam kung ano ang posibleng dahilan sa pagpatay sa enforcer.

Kasunod nito ay tiniyak naman ni Dizon na nagpapaabot na sila ng tulong sa pamilya ng bitima habang natakbo ang imbestigasyon sa kaso.

Aniya, sisisguraduhin ng kanilang tanggapan katuwang ang CIDG na mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima dahil ang pangyayaring ito ay hindi katanggap-tanggap.

Samantala, patuloy naman sa pagsasagawa ng kanilang imbestigasyon ang DOTr kasama ang CIDG para sa mabilis na pagresolba ng kaso at mabilis na pagbibigay hustisya sa naiwang pamilya ng biktima.